Patintero

Tumakbo,
Nadapa,
Bumangon.
Hinahabol ng anino
Ang nakaraang hindi na sana maulit
Mga maling nililimot nang pilit

Nakinig,
Nalungkot,
Nalito.
Nagtaka kung naririnig Mo ba
talaga ‘ko
Bawat hinaing ng damdaming walang magawa
Sa pagkalugmok ng mga taong mahalaga
Iniisip kung hanggang saan kaya
Hanggang saan ko kaya?
Nang maalala kong walang-hanggan nga pala
Ang pangako Mo nang pinili mong magpapako

Pinili Mo ko at ang krus
Pinili Mong bawiin ako sa lungkot at dilim
Pinili Mong makita ang takip-silim
Pinili Mo kami
Pinili Mo sila
Pinili Mo… ako

Ako na isang batang hindi alam minsan ang ginagawa
Isang musmos na lahat ng makintab, maganda at mainit sa palad ko’y ikinatutuwa
Isang tulad kong nahulog mula sa dati nating pagiging magkapareha
Pero pinili Mo pa rin… ako

Tinanggap Mo ang pagiging tulay
Sa pagitan ko at ng aking Tatay
Pinili Mong mabuhay dito sa mundo
Kinutya ka man, pinaghinalaan, tinakwil ng mga kaibigan Mo
Hindi na ko magtataka
Na alam Mo ang puso ko pati ng iba
Dahil naging tao Ka at nagpakumbaba

Kapag gabi ay napakahirap
Lahat ng problema patuloy akong inuuga
Ayaw patulugin kahit pagod na
Lahat ng nangyari’y bumabalik
Lahat ng dati ay tumatabi sa akin
Tila bang eto na naman
Tila bang wala akong matatakbuhan
Tila bang wala akong ligtas
Walang pag-asa sa mali’t nakasanayan
Nang maalala ko…

Hindi ‘to totoo,
Niligtas Mo na ‘ko
Hindi ‘to totoo,
Mahal Mo ko
Hindi ‘to totoo,
Tiyak ang pagbabago
Tiyak ang bagong buhay na posible dahil Sa’yo
Tiyak,
Totoo,
Ipinangako.

Sa bawat Salita Mo ako’y hahawak
Sa bawat araw na tila huli ko na
Sa bawat oras na parang sapat na
Hihinga ako
Hihinga pa
Hihinga nang malalim
Babanggitin ang Iyong ngalan
Ang ngalan ng Ama
Ang tanging pangalan na nakapagpatama ng lahat
Ang tanging pag-ibig na kailangan ng puso kong nasaktan
Ang tanging tinig na saki’y nakakapagpatahan
Ikaw lang.

Tumakbo,
Nadapa,
Bumangon.
Ang sikat ng araw ang haplos Mo s’aking mukha
Na tila ginigising ako,
Binabatid na ang araw ay magiging maganda
Na tila hinele ako sa gabing akala ko’y huli na
Walang huli
Walang maaga
Lahat sa perpekto Mong oras
Walang sayang
Walang itatapon
Lahat nagiging maganda
Lahat ayon sa plano Mo
Na ang buhay ko ay hinding-hindi na magiging tulad nung una
Na ako’y magagamit para sa buhay ng iba

Napagod,
Nagduda,
Natauhan.
Sa pintig ng aking kalooban
Parang bulong na kaya ko pa
Ang boses Mong pamilyar na pamilyar
Hindi ko alam
Hindi ko alam kung bakit mahal Mo pa
Ang mapag-alinlangan Mong anak na laging nasa putikan
O di kaya’y nagtatago sa kuweba
Hindi ko maintindihan
Kahit saang lupalop ako kumaripas,
Nakasunod Ka
Kahit saang mababang lugar na akala ko’y walang nakakaalam
Nandun Ka
Hindi Ka daw napapagod
Marunong Ka lang daw magmahal
Dahil Ikaw ang Pagmamahal

Nabuhay,
Namatay,
Nasa kanan ng Ama.

Advertisements